Arestado

Tigasing siga na armado ng baril, dinamba ng mga pulis habang nagwawala sa Caloocan

Edd Reyes Jan 30, 2026
110 Views

KINALAWIT ng pulisya ang 47-anyos na kelot nang tumanggi sa paulit-ulit na pakiusap ng awtoridad na kumalma at tigilan ang pagwawala Biyernes ng madaling araw sa Caloocan City.

Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, nagresponde sa tawag ng mga residente sa Barangay 62, West Grace Park, ang mga tauhan ng Caloocan Police Sub-Station-2 dahil sa ginagawang pagwawala at paghahamon ng away ng suspek habang armado ng baril.

Naaktuhan pa ng mga tauhan ni Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth ang sigang kelot habang patuloy na nanggugulo at dinedma pa ang pakiusap ng pulisya na kumalma dahil nakakabulahaw na sa mga residente.

Dahil dito, napilitang dambahin ng pulisya ang suspek at nang kapkapan, nakuha pa sa kanyang dalang bag ang isang rifle-propelled grenade, bukod sa hawak na kalibre .38 revolver na kargado ng dalawang bala.

Sasampahan ng pulisya ng mga kasong alarm and scandal at illegal possession of firearms and explosives ang suspek sa Caloocan City Prosecutor’s Office.