Shabu

Tindera rumaket sa pagbebenta ng shabu, binatilyong alalay huli

Edd Reyes Sep 12, 2026
143 Views

ARESTADO ang bebot na street vendor na rumaraket sa pagbebenta ng shabu, kasama ang 13-anyos niyang alalay, matapos makuhanan ng P1.7 milyong halaga ng shabu sa buy-bust operation Biyernes ng hapon sa Pasay City.

Isinagawa ng mga tauhan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Rodel Pastor ang operasyon laban kay alyas “Munti”, 42, ng Brgy. 145, dakong alas-5:05 ng hapon sa Molave Street, Barrio Sto. Niño matapos makipag-transaksiyon sa pulis na nagpanggap na buyer.

Nakumpiska sa dalawa ng mga operatiba ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) ng SPD ang tinatayang 250 gramo ng shabu na may kabuuang halagang P1,700,000.00, genuine na markadong salapi na ginamit sa buy-bust operation, at cellular phone na gamit ni alyas Munti sa ilegal na transaksiyon.

Mahaharap si alyas Munti sa kasong paglabag sa Section 5 at Section 11, Article II ng R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 habang paglabag naman sa Section 26 ang kakaharapin ng nasagip na binatilyo na pagtalima sa mahigit na patakaran ng batas sa ilalim ng Juvenile Justice Welfare Act of 20026.

Inihayag ni BGen. Pastor na mananatili ang agresibo nilang pagtugis sa mga sangkot sa ilegal na droga, kahit pa ginagawa nilang pain ang mga menor-de-edad na madali nilang namamanipula at para hindi kaagad mapuna ng mga awtoridad.