Calendar
Pasahero sa NAIA nagbiro na may dalang bomba, arestado
INARESTO ng mga awtoridad ang isang banyagang pasahero matapos magbiro hinggil sa bomba habang nasa check-in counter ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 ngayong umaga, 11 Setyembre 2026.
Ang 58-anyos na French national ay residente ng Cherbourg, France, at nakatakdang lumipad sakay ng Philippine Airlines flight PR1853 patungong Cebu na may nakatakdang pag-alis bandang 11:50 a.m.
Ayon sa ulat, bandang 10:10 ng umaga iniulat ng mga PAL Service Agent na sina Betina Isabel V. Aggarao at Karl Drex T. Alsol ang umano’y pagbibiro ng pasahero tungkol sa bomba sa Counter 74, NW Departure Area.
Habang isinasagawa ang check-in, tinanong ni Aggarao ang pasahero hinggil sa laman ng kanyang backpack. Sagot umano ng banyaga: “I have gun and a bomb.”
Agad na ipinaalam ng PAL personnel ang insidente sa kanilang security team at sa mga nakaduty na pulis.
Bandang 10:20 a.m, dumating ang Explosive Ordnance Disposal (EOD) Technician, Explosive Detection Dog (EDD) Handler, at ang asong EDD na si “Argus” upang magsagawa ng inspeksyon.
Bandang 10:34 a.m idineklarang ligtas at walang eksplosibong materyales ang bagahe ng pasahero.
Bandang 10:50 a.m isinagawa ni Pat. Mukesh Ashley Orendain ang pag-aresto sa dayuhan.
Ipinaalam sa kanya ang dahilan ng pagkakaaresto at ang kanyang karapatan sa ilalim ng Miranda Doctrine sa wikang kanyang nauunawaan. Gumamit din ng Alternative Recording Device (ARD) ang mga awtoridad alinsunod sa A.M. No. 21-06-08-SC, “Rules on the Use of Body-Worn Cameras in the Execution of Warrants.”
Ang banyagang pasahero ay kasalukuyang nasa kustodiya ng NAIA Police Station 2 para sa imbestigasyon at dokumentasyon, kaugnay ng pagsasampa ng kasong kriminal sa ilalim ng Presidential Decree 1727 (Anti-Bomb Joke Law)
“Ang mga pahayag tungkol sa bomba ay hindi kailanman itinuturing na biro sa paliparan. Pinapaalalahanan namin ang lahat ng pasahero na mag-isip muna bago magsalita at seryosohin ang seguridad sa paliparan,” ani PBGen Dionisio B. Bartolome, Jr., Direktor ng PNP AVSEGROUP.

