Yedda

Tingog Partylist: Tulong ng pamahalaan wag gamitin sa pamumulitika

164 Views

NAKIPAG-UGNAYAN na si Tingog partylist Rep. Yedda Marie Romualdez sa Department of the Interior and Local Government (DILG) upang kaagad na maaksyunan ang ginawan umano ng isang kapitan ng barangay sa Catubig, Northern Samar, na nakita sa isang video na pinupunit ang certificate of indigency sa harapan ng isang nanay ng dalawang mag-aaral sa naturang lugar.

Ayon kay Rep. Romualdez, dapat lamang na maparusahan ang naturang barangay captain dahil sa ginawa nito.

Batay sa ulat, magpapapirma lang sana ng certificate of indigency para makakuha ng tulong pinansyal sa Tingog Partylist ang nanay ng dalawang estuyante sa kapitan ng barangay.

Gayunman, sa halip na pirmahan ay pinunit pa umano ng barangay captain sa harapan ng nanay ang naturang sertipiko dahil iba umano ang sinuportahan ng pamilya ng naturang mga estudyante noong nakaraang halalan.

Lingid naman sa kaalaman ng Kapitan, nakuhanan pala ng video ang kanyang ginawa at ngayon ay viral na sa social media at tumanggap ng pagbatikos sa netizens.

Ayon kay Rep. Romualdez, “Hindi tama na ang pagbigay ng tulong ay ginagamit sa pulitika. Dapat ay walang pinipili ang pagbibigay ng tulong sa ating mga kababayan.”

Kaagad na ring ipinahanap ng mambabatas ang dalawang estudyante sa Catubig para sila na mismo ang personal na magbigay ng tulong sa mga ito.

“Ipinahanap na po natin sila para tayo na mismo ang magbigay ng tulong sa dalawang estudyante,” dagdag pa ng mambabatas.

Ipinauubaya na naman ni Romualdez sa DILG kung ano ang parusa na maaaring ipataw sa naturang opisyal ng barangay.