Calendar

Tingog pinuri batas para manggagawa, OFW magkaroon ng college degree
PINURI ng Tingog party-list ang pagsasabatas ng Republic Act No. 12124 o ang Expanded Tertiary Education Equivalency and Accreditation Program (ETEEAP), na magbubukas ng bagong oportunidad sa manggagawa, overseas Filipino worker (OFWs), skilled professionals, at lifelong learners na makakuha ng college degree kung saan kikilalanin ang kanilang kasanayan sa trabaho, at mga dinaanang non-formal learning.
Nilagdaan bilang batas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Marso 3, 2025, ang panukala na isinulong nina Tingog Partylist Representatives Yedda Romualdez at Jude Acidre, kapwa pangunahing may-akda ng House Bill 9015, na isinama sa Senate Bill 2568 sa pagbalangkas ng pinal na bersyon.
Sa ilalim ng ETEEAP ay kikilalanin ang mga natutunan hindi lamang sa loob ng paaralan kundi maging sa mga karanasan sa aktwal na pagtatrabaho.
Sa pamamagitan ng programa ang mga kwalipikadong indibidwal ay maaaring makakuha ng kanilang undergraduate at special graduate degrees batay sa kanilang kasanayan, karanasan sa trabajo at non-formal education na sasalain batay sa umiiral na pang akademikong panuntunan na itinakda ng Commission on Higher Education (CHED).
Para kay Rep. Yedda Romualdez ang batas na ito ay tagumpay para sa bawat Pilipinong manggagawa, magulang at OFW na isinantabi ang sariling edukasyon para buhayin ang kanilang mga pamilya.
“This law is for every construction worker who learned on the job, every caregiver who became an expert through hands-on care, every OFW who had to leave school to work abroad, and every parent who gave up their own dreams so their children could study,” ani Romualdez. “With ETEEAP, we are telling them: Your hard work and your learning matter, and it’s never too late to earn your degree.”
Direktang makakabenepisyo sa ETEEAP ang mga Pilipino sa sektor kung saan pinahahalagahan ang praktikal na kasanayan at real-world experiences ngunit nangangailangan ng pormal na degree:
• Overseas Filipino Workers (OFWs) na nagtayo ng mga karera sa ibang bansa sa kabila ng hindi kumpletong edukasyon;
• Mga bihasang manggagawa sa industriya ng konstruksiyon, manufacturing, at serbisyo;
• Mga manggagawa sa pangangalagang pangkalusugan at caregivers na may mga taon ng karanasan;
• Mga negosyanteng nagtayo ng mga negosyo sa pamamagitan ng karanasan at self-learning;
• Mga magsasaka at mangingisda na nakakuha ng malalim na kadalubhasaan sa pamamagitan ng kasanayan at tradisyon;
• Mga pinuno ng komunidad at mga boluntaryo na ang kaalaman ay nagmula sa paglilingkod at gawaing pagtataguyod.
Binigyang-diin ni Rep. Jude Acidre, Komisyoner ng EDCOM2 at Tagapangulo ng House Committee on Overseas Workers Affairs, na ang ETEEAP ay isang mahalagang tagumpay para sa mga Pilipinong manggagawa sa ibayong dagat, na marami sa kanila ay may mataas na kasanayan ngunit limitado ang mapasukang tradabaho dahil sa kawalan ng diploma.
“For our OFWs and working Filipinos, this is more than a degree—it’s recognition of the knowledge they’ve earned through years of sacrifice and service,” saad ni Acidre. “This law ensures that education is no longer tied to privilege or circumstance. Instead, it honors every Filipino’s right to grow and succeed, no matter where or how they learned.”
Salig sa bagong batas, bibigyang kapangyarihan ng CHED ang mga higher education institutions (HEIs) para magbukas ng ETEEAP programs, isailaim sa ebalwasyon ang trabaho at kasanayan, magsagawa ng mga assessment kung kinakailangan at maggawad ng degree sa mga kwalipikadong indibidwal.
Inaatasan din ang CHED ng linangin ang pambansang batayan, magtakda ng accreditation fee at magpatawag ng konsultasyon sa sektro ng edukasyon, paggawa at industriya para maiakma ang programa sa kinakailangan ng sektor ng paggawa.
Ang mga Filipino citizen, nakabase man sa Pilipinas o abroad ay maaari mag-apply asa ETEEAP kung sila ay:
• Hindi bababa sa 23 taong gulang sa panahon ng application;
• Nakatapos ng sekundarya (sa pamamagitan ng pormal na eskuwela, Philippine Educational Placement Test, o Alternative Learning System);
• At may hindi bababa sa limang taong karanasan sa trabaho na may kaugnayan sa degree na kaniyang nais kunin.
Muling tiniyak ng Tingog Partylist ang buong suporta sa pagsusulong ng inklusibong edukasyon at pagkatuto at pagtiyak na bawat oportunidad sa pag-aaral ay repleksyon ng realidad ng bawat paglalakbay ng mga Pilipino.
“We firmly believe that every Filipino’s story matters—not just the stories told in classrooms, but also the stories written in farms, factories, hospitals, and worksites around the world,” ani Romualdez.
Sa pagtatapos, binigyang-diin ni Acidre na ang ETEEAP Act ay hindi lamang isang polisiya sa edukasyon, ngunit sinasalamin ang paniniwala ng Tingog Partylist na ang bawat Pilipino—anuman ang edad, kita, o pinagmulan—ay may karapatan para sa patas na pagkakataon sa isang magandang kinabukasan.
“This is about giving dignity to learning in all its forms, and ensuring that no Filipino is left behind just because life took them on a different path,” ani Acidre. “With this law, we are one step closer to a truly inclusive education system that values both knowledge and experience.”