Tolosa

Tolosa, nilinaw pagkakaiba ng pag-alis ng mga testigo ng prosekusyon at depensa sa impeachment trial

Mar Rodriguez Nov 25, 2026
64 Views

IGINIIT ng panig ng House prosecution team sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte na magkaiba ang dahilan ng kanilang desisyon na hindi na ipatawag ang ilang testigo kumpara sa sunod-sunod na pag-alis ng depensa sa mga indibidwal na nakatakda sanang tumestigo sa Senado.

Ito ang paglilinaw ni House private prosecutor at tagapagsalita ng prosekusyon na si Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr.

Ayon kay Atty. Tolosa, hindi maihahambing ang naging hakbang ng prosekusyon sa desisyon ng depensa dahil may sapat na silang nakuhang testimonya mula sa mga naunang testigo kaya hindi na kinailangang ipatawag ang iba pa.

Ipinaliwanag nito ang mga testigong hindi na nila ipinatawag ay kabilang sa mga nakalista sa pretrial order at pretrial brief. Gayunman, matapos marinig ang testimonya ng ilang saksi, napagpasyahan nilang sapat na ang mga ebidensiyang naiharap para sa kanilang layunin.

Samantala, kinuwestiyon ni Tolosa ang pagbabago sa listahan ng mga testigo ng depensa, kabilang ang pag-alis sa ilang opisyal ng bangko at kinatawan ng Center for International Trade Expositions and Missions (CITEM) na nakatakda sanang humarap sa impeachment court.

Ayon sa kanya, una umanong naglista ang depensa ng mahigit dalawang dosenang posibleng testigo, ngunit marami sa mga ito ang hindi naiprisinta sa mga itinakdang pagdinig.

Sa unang linggo ng kanilang presentasyon, sinabi ni Tolosa na 26 na testigo ang inaasahang ihaharap ng depensa ngunit anim lamang ang aktuwal na nakapagtala ng testimonya.

Gayundin, apat na testigo umano ang nakatakdang iharap noong nakaraang linggo, subalit tatlo lamang ang naiprisinta.

Binanggit din niya ang mga opisyal ng pamahalaan na inaasahang magbibigay-linaw sa operasyon ng Cale88 Foods Corp., ngunit hindi lahat ng nakatakdang testigo ay naiharap sa korte.

Binigyang-diin ni Tolosa na may pagkakaiba rin sa listahan ng mga testigo dahil may mga ipinatawag ang depensa na hindi umano nakalista sa pretrial order.

Ibinahagi rin niya na may ilang testigo na pinapunta na sa Senado, at ang iba ay dalawang beses pang dumalo, ngunit kalaunan ay hindi rin pala ihaharap ng depensa upang magbigay ng testimonya.

Gayunman, nilinaw ni Tolosa na hindi niya matiyak ang tunay na dahilan sa likod ng desisyon ng depensa na alisin ang ilang testigo.

Samantala, nanindigan naman ang panig ng depensa na bahagi ng kanilang estratehiya ang pagpili at pag-alis sa ilang testigo, batay sa mga ebidensiyang nais nilang iharap, gayundin sa usapin ng iskedyul at availability ng mga saksi.

Patuloy na dinidinig ng Senado bilang impeachment court ang mga alegasyon laban kay Vice President Sara Duterte, kabilang ang umano’y hindi maipaliwanag na yaman at iba pang usaping pinansyal na mariing pinabubulaanan ng panig ng Bise Presidente.

To God be the Glory