Just In

Calendar

January 2025
M T W T F S S
 12345
6789101112
13141516171819
20212223242526
2728293031  
Martin

Traders, middleman pagpapaliwanagin sa mataas na presyo ng bilihin—Speaker Romualdez

Mar Rodriguez Apr 30, 2024
126 Views

PAGPAPALIWANAGIN ang mga trader at middleman kaugnay ng mataas na presyo ng mga produktong pang-agrikultura kahit na mababa ang farm gate price sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Committee on Trade and Industry, ayon kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

Sinabi ni Speaker Romualdez na papanagutin ang mga mapatutunayan na sila ay nagsasamantala para lumaki ang kanilang kita kahit na magdulot ito ng paghihirap sa mga ordinaryong mamimili.

“Tatawagan natin yung mga trader, yung mga middlemen. Tatanungin natin kung bakit ang malalaking agwat naman, yung farm gate ay ganito, yung binebenta niyo ay ganito masyadong malayo ang diperensya,” ani Speaker Romualdez sa isang press conference kasama sina Deputy Majority Leader for Communications at ACT-CIS Partylist Rep. Erwin Tulfo at Committee on Trade chairman, Iloilo 4th district Rep. Ferjenel Biron.

“So i-inquire natin kung bakit ganon. Iyung ‘di maayos yung explanation, kung masyadong matakaw lang sa kita, sabihin natin i-moderate nila ‘yan kasi kung hindi, talagang agrabyado tayong lahat at syempre may mananagot diyan, hindi ba?” sabi pa ni Speaker Romualdez.

Noong Lunes ay nagsagawa ng imbestigasyon ang komite ni Biron alinsunod sa direktiba ni Speaker Romualdez kaugnay ng agwat ng farm gate price at retail price.

Nagpahayag ng pagkadismaya sina Speaker Romualdez, Tulfo, at Biron kaugnay ng pag-amin ng mga opisyal ng Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) na wala silang mabilisang solusyon sa isyu.

Sa susunod na pagdinig, sinabi ni Speaker Romualdez na ipatatawag ang mga negosyante at middleman sa susunod na pagdinig.

“So, sa mga nag-profiteer, sa mga traders, sa mga middlemen na masyadong matakaw sa mga kita nila, basta bantay na lang kayo. Basta moderate your greed and try to be more reasonable,” wika pa ng lider ng Kamara na mayroong mahigit 300 miyembro.

Binigyan-diin ni Speaker Romualdez na dapat mapigilan ang lumalaking agwat ng farm gate price at retail price para sa kapakanan ng mga magsasaka at konsumer.

Ayon kay Speaker Romualdez hindi puro kita ang dapat na atupagin ng mga negosyante kundi kailangang ikonsidera rin nila ang maraming pamilya na nahihirapan sa kanilang ginagawa.

“Wala kaming problema, dapat kumita ang mga traders pero dapat ‘yung sapat na kita, hindi  naman sobrang affected na ‘yung ating mga consumers dito. Mahirap na ang buhay, lalo na ang init ng panahon hindi ba? Kailangan naman magpakita ng konting malasakit sa ating mga kapwa nating Pilipino dito,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.