Trak Source: Edh’z Hernandez FB post

Trak nahulog sa bahay sa Bulacan, mag-ina patay

Bernard Galang Sep 13, 2025
323 Views

SAN RAFAEL, Bulacan — Isang ina at ang kaniyang siyam na taong gulang na anak ang nasawi habang natutulog nitong Biyernes matapos bumagsak ang isang trak na may kargang aspalto sa kanilang bahay sa Cagayan Valley Road, Barangay Capihan.

Sa ulat kay PRO3 director Brig. Gen. Ponce Rogelio Peñones Jr., kinilala ni Bulacan police ang mga biktima na sina Marlyn Aborita, 41, at ang kaniyang anak, kapwa residente ng Purok 3, Barangay Capihan.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, iniwan umano ng drayber ng trak na nakilala lamang bilang si Sonny ng San Ildefonso, Bulacan ang sasakyan habang may isinasagawang road works ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa northbound lane ng San Rafael Road.

Dahil mabigat ang kargamento ng trak at nakaparada ito sa paahon na bahagi ng kalsada, nagkaaberya umano ang preno nito dahilan upang gumulong paatras hanggang sa gilid ng kalsada at tuluyang bumagsak sa bahay ng mga biktima, na agad nilang ikinasawi.

Agad na rumesponde ang mga tauhan ng San Rafael police upang magsagawa ng imbestigasyon, tiyakin ang seguridad sa lugar, at tumulong sa retrieval operation ng mga bangkay.