Tulfo

Tulfo gustong tiyakin tourist police kayang sumagip ng buhay

45 Views

NAIS matiyak ni Senador Erwin Tulfo kung may sapat na pagsasanay sa pagsagip ng buhay ang mga tourist police, at kung may maaasahang tauhan sa oras ng sakuna kahit sa maliliit na pasyalan sa bansa.

Inusisa ito ni Tulfo nitong Huwebes sa pagtalakay ng Senado sa ₱334.9 bilyong panukalang badyet ng Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa 2027.

Binanggit ni Tulfo ang isang insidente ng pagkalunod umano sa ilog na walang nakapaskil na babala. Tinanong niya kung may task force ang mga lokal na pamahalaan na nakatutok sa kaligtasan ng mga turista sa mga beach, resort, ilog at talon.

Sagot ni Senador Panfilo Lacson, sponsor ng naturang badyet, may mga tourist police na nakatalaga sa walong pangunahing destinasyon ng mga turista at may mga sasakyang magagamit sa pagpapatrulya.

Nais namang malaman ni Tulfo kung sinanay din ang mga ito sa pagbibigay ng life support. Itinanong din niya kung inaatasan ang mga lokal na pamahalaan na magtalaga ng mga rescuer sa maliliit na bayang may ilog at talon na dinarayo ng mga turista.

Ayon kay Lacson, may karagdagang ₱176.899 milyon sa panukalang badyet upang mapahusay ang operasyon ng mga tourist police.

Tinalakay rin ni Tulfo ang problema sa pagresponde sa emergency kapag magkaiba ang nasasakupan ng mga lokal na pamahalaan.

Isinalaysay niya ang isang insidente sa Rizal kung saan tinanggihan umano ang kahilingan para sa ambulansiya dahil nasa labas ng nasasakupan ng munisipyong hiningan ng tulong ang pasyenteng kailangang dalhin sa ospital.

Sa pagkakaalam ni Tulfo, nasa Tanay ang pasyente.

Pinayuhan naman ni Lacson ang publiko na direktang tumawag sa 911 dahil agad itong magpapakilos ng responder saanmang bahagi ng bansa. Aniya, maaaring maligaw ang tawag kapag ibang numero ang ginamit.

Ayon sa mga naunang ulat, inanunsiyo ng DILG noong Marso ang planong magtalaga ng 800 tourist police simula Abril. Sinabi rin noon ni Interior Secretary Jonvic Remulla na bibigyan ang mga turistang dumarating sa bansa ng card na naglalaman ng numerong 911.

Batay sa inilahad ni Lacson, mas mataas ng ₱4.024 bilyon ang panukalang badyet ng DILG sa bersyon ng Senado kaysa sa bersyon ng Kamara.

Nasa ₱245.22 bilyon ang panukalang pondo ng Philippine National Police, ang pinakamalaking alokasyon sa ilalim ng DILG budget.