Schools

Uwan nag-iwan ng pinsala sa 1,182 public schools — DepEd

Arlene Rivera Nov 11, 2025
278 Views

INIULAT ng Department of Education (DepEd) na hindi bababa sa 312 pampublikong paaralan ang napinsala dala ng bagsik ng bagyong Uwan.

Ayon sa DepEd, mga classrooms sa Bicol at CALABARZON ang pinakamatinding naapektuhan.

Ayon sa situation report ng DepEd Disaster Risk Reduction and Management Service (DRRMS) noong Nobyembre 10, 1,182 silid-aralan ang nakaranas ng bahagyang pinsala, 366 ang malubhang nasira at 261 ang tuluyang nasira.

Kasabay ng panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa lahat ng ahensya na maging handa at tiyakin ang kaligtasan ng mamamayan, tiniyak ni Education Secretary Sonny Angara sa mga apektadong komunidad na nakatuon ang DepEd sa agarang proteksyon ng mga estudyante, guro, at kawani ng paaralan, pati na rin sa learning continuity kapag ligtas at maayos na.

“Mabigat ang pinagdadaanan ng ating mga guro, magulang, at mag-aaral sa nagdaang bagyong Uwan at Tino.

Nakikiramay tayo sa ating mga kababayan at tinitiyak namin sa DepEd na kasama ninyo kami sa bawat hakbang ng pagbangon at muling pagbuo ng pag-asa sa bawat silid-aralan,” ani Secretary Angara.

Naitala sa Bicol, CALABARZON, at Cordillera Administrative Region (CAR) ang may pinakamataas na bilang ng nasirang silid-aralan dahil kay Uwan.

Iniulat din ng DepEd na 5,572 silid-aralan sa 1,072 paaralan sa 11 rehiyon ang kasalukuyang ginagamit bilang evacuation centers.

Upang matugunan ang agarang pangangailangan sa pagbangon, nakapagtakda ang DepEd ng P20.2 milyon pondo para sa paglilinis at clearing operations at P57.9 milyon para sa minor repairs.

Ayon sa DepEd, titiyakin ang kaligtasan at kapakanan ng mga mag-aaral at guro habang nagpapatuloy ang beripikasyon ng mga pinsala.