Calendar
Valeriano bumati sa libo-libong deboto ng “Itim na Nazareno”
SA pagdiriwang ng Kapistahan ng Quiapo sa pamamagitan ng taunang “Translacion” nagpa-abot ng marubdob na pagbati ang Chairman ng House Committee on Metro Manila Development na si Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano para libo-libong deboto ng “Itim na Nazareno”.
Sinabi ni Valeriano na ang pagpupugay sa Itim na Nazareno ay nakatatak na aniya sa Lungsod ng Maynila at naging bahagi na ng napaka-lalim na debosyon ng napakaraming mananampalataya, hindi lamang sa Metro Manila, bagkos ay mula sa iba’t-ibang sulok ng Pilipinas.
Dalangin ni Valeriano para sa mga deboto ng Poong Nazareno na dadagsa ngayong Martes (January 9, 2024) sa Simbahan ng Quiapo ang maging payapa ang pagdaraos ng “Translacion” at ang patuloy na pananalig nila sa Itim na Nazareno sa gitna ng mga mabibigat nilang suliranin.
Ipinapanalangin din ng kongresista sa Poong Hesus Nazareno na maging payapa ang Kapistahan kasunod ng kaniyang kahilingan na maging ligtas ang bawat deboto na lalahok sa tradisyunal na “pahalik” habang pinu-prusisyon ang makasaysayang karosa ng “Itim na Nazareno” pabalik ng Simbahan.
“Isa sa pinaka-importanteng okasyon sa buhay ng mga Pilipino lalo na para sa mga libo-libong deboto ay ang Translacion. Sa pagdiriwang natin ng Translacion ngayong taon, panalangin ko na maging mapayapa ang Kapistahan tulad noong mga nakaraang taon,” ayon kay Valeriano.
Umaasa din si Valeriano na marami pang mga Pilipino ang mabiyayaan ng milagro hatid ng “Itim na Nazareno” partikular na ang pagbabalik loob sa Panginoon. Sa gitna ng maraming mamamayan ang nawawalan ng pag-asa at pananampalataya sa Diyos bunsod ng mga mabibigat na pagsubok.
“Ipinapanalangin ko din na marami pa sanang mga Pilipino ang mabiyayaan ng milagro ng Itim na Nazareno. Lalo na ang mga nawawala na ng pag-asa sa buhay, sana’y maliwanagan sila at magbalik loob sa Diyos. Itong Kapistahan ang tamang pagkakataon para sila ay magbalik loob sa Diyos,” dagdag pa ni Valeriano.