Atienza

VM Chi sa mga deboto: Gawing ligtas, taimtim ang Traslacion

Edd Reyes Jan 7, 2026
231 Views

NANAWAGAN sa milyong deboto na tutupad sa kanilang panata sa Traslacion ng Mahal na Poong Itim na Nazareno si Manila Vice Mayor Chi Atienza na ituon sa kaligtasan at malalim na pananampalataya ang idaraos na selebrasyon.

Ibinahagi ng alkalde ang temang hinango sa Bibliya ng Juan 3:30 na “Dapat siyang tumaas, at ako nama’y bumaba” ngayong kapistahan ng Itima na Nazareno na dapat isapuso ng bawa’t isa.

“Yung theme ngayon, sana isapuso po natin ‘yan. Let it be a solid reminder to each and every one of us that we are here for a mission and that we need to fulfill that mission so that we could also serve the Lord,” pahayag ni Atienza.

Tiniyak din niya sa publiko na sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Isko Moreno Domagoso, hindi magpapabaya ang lokal na pamahalaan sa gaganaping malaking selebrasyon, katuwang aniya nila rito ang MPD, MDRRMO, DPS, at MTPB.

“Nag-report na ang lahat ng mga department heads to make sure na maging seamless ang mangyayaring Traslacion sa January 9. If you ask me kung ready ang City of Manila, with the leadership of my Mayor, very ready po,” sabi pa ng bise alkalde.

Kabilang aniya sa mga hakbang na ginawa ng alkalde ang paglalabas ng kautusan kaugnay sa suspensiyon ng klase sa lahat ng antas ng pampubliko at pribadong paaralan, total ban sa mga inuming nakalalasing at anumang uri ng paputok sa mga lugar na 500-meter radius mula sa Quiapo Church.

May nakatalaga na rin aniyang mga health professionals at health workers sa mga piling lugar lalu na sa ruta ng Traslacion.

“In-identify ang mga critical areas, sa CRP Mendiola tapos may mga nakaabang na na mga ambulances and also na-pinpoint na rin yung mga hospitals nearby should there be any medical emergencies,”dagdag ni Atienza.

“Ako po ay kasama nyong nagdadasal na maging maayos, ligtas at mapayapa ang ating selebrasyon sa darating na Kapistahan ng Jesus Nazareno,” sabi pa niya.