EDSA

Overlay works sa EDSA nagpaginhawa sa byahe

Jun I Legaspi Jan 7, 2026
165 Views

MAS maginhawa na ang biyahe dahil sa asphalt overlay na natapos na sa inner lane ng EDSA Busway mula Roxas Boulevard hanggang Orense St. sa Makati City.

Bahagi ang proyekto ng EDSA Rehabilitation Project sa pagtutulungan ng Department of Transportation (DOTr), Department of Public Works and Highways (DPWH) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Ayon sa komyuter na si Daryl, sang-ayon siya sa rehabilitasyon sa kalsadang daraanan ng EDSA Busway dahil mas lumuwag ang daan at gumaan ang trapiko.

“Mas gumaan yung traffic saka sa experience ko lang din kasi medyo ma-bounce dati.

Ngayon, okay siya and sa tingin ko lumuluwag na yung daanan,” ayon kay Daryl.

“Very convenient specially for commuters like me. I was early by 20 minutes so, napakalaking convenience non kasi nga ‘di ako male-late,” sari naan ni Ricky, isa pang commuter.

Para sa bus driver na si Eddie, mas okay ang experience niya sa pagbiyahe ngayon kumpara sa dati.

“Medyo lumuwag ng kaunti. Ang experience ko lang dati medyo masikip at lubak-lubak. Ngayon, gumanda na. Lalong-lalo na doon sa Pasay, aspaltado na siya hindi na siya masyadong bouncy,” sabi niya.

Nagagalak naman si Transportation Secretary Giovanni Lopez dahil sa mabilis natapos ang rehabilitasyon sa EDSA Busway lane.

“Masaya tayong marinig na malaki ang tulong nitong rehabilitasyon sa busway lane, para sa ating mga kababayan na tumatangkilik sa EDSA Busway,” ayon kay Secretary Lopez.