PCG

Miyembro ng PCG na nangdakma ng wetpaks ng waitress iprinisinta sa piskalya

Edd Reyes Jan 6, 2026
249 Views

IPRINISINTA na ng pulisya sa piskalya ang miyembro ng Philippine Coast Guard (PCG) na inireklamo ng pandadakma ng mabilog na puwet ng isang waitress sa isang restobar sa Pasay City.

Kasong paglabag sa Republic Act (RA) 11313 o Safe Spaces Act, na mas kilala bilang Anti-Bastos Law, ang inihain ng pulisya laban sa 30-anyos na suspek na si alyas “Darvin,” matapos arestuhin ng bouncer ng restobar na si alyas “Marvyn” makaraang magreklamo ang waitress na si alyas “Rysette.”

Lumabas sa imbestigasyon ng mga tauhan ni Pasay Police Chief PCol. Joselito De Sesto na naganap ang insidente ala-1:10 ng madaling araw sa loob ng Padi’s Point Restobar sa EDSA, Barangay 147, Zone 16, sa naturang lungsod.

Ayon sa biktima, habang inaayos niya ang isisilbing mga order ng customer sa loob ng restobar, dumaan sa kanyang likuran ang suspek at pasimpleng dinakma ang kanyang puwet, bago dumiretso sa comfort room.

Hinintay ng biktima na makalabas ng restroom ang suspek para komprontahin bago isinumbong sa bouncer na siyang umaresto at nag-turn over sa pulisya sa miyembro ng PCG.

Ayon sa pulisya, nananatili pa rin sa kanilang kustodiya ang suspek lalo na’t nagpahayag umano ng intensiyon ang biktima na ituloy ang kanyang reklamo laban sa miyembro ng PCG.

Ang pamunuan naman ng PCG ay magsasagawa ng sariling imbestigasyon laban sa kanilang miyembro na napaulat na nandakma ng puwet ng waitress.

Ayon sa tagapagsalita ng PCG na si Capt. Noemi Cayabyab, hindi palalagpasin ng kanilang pamunuan ang sinuman sa kanilang hanay na makagagawa ng kasalanan, lalo na sa kababaihan, kaya hiwalay na imbestigasyon ang kanilang gagawin sa inireklamo nilang tauhan.

Sa oras aniya na mapatunayang nagkasala sa paglabag sa RA 11313 ang kanilang tauhan, mahaharap ito sa kaukulang kaparusahan na ang pinakamabigat ay posibleng pagkasibak sa tungkulin.