Calendar
Wanted na Tsino sa Cagayan de Oro, natimbog sa Pasay
NASAKOTE ng pulisya ang Chinese national na wanted sa mga kasong kriminal sa Cagayan De Oro City makaraang matunton Miyerkules ng gabi sa Pasay City.
Sinakalay ng mga tauhan ni Pasay City Chief of Police P/Col. Joselito De Sesto ang gusaling komersiyal na tinutuluyan ni alyas “Jianxin” 54, dakong alas-6:30 ng gabi sa William St. Brgy. 13, matapos makumpirma ang natanggap na impormasyon na doon nagtatago ang dayuhan.
Sa pamamagitan ng interpreter na si Loh Sie Hong, isinilbi sa akusado ang warrant of arrest na inilabas ni Cagayan De Oro City Municipal Trial Court (MTC) Presiding Judge Eleuteria Apdian Badoles-Algodon ng Branch 2 para sa mga kasong Falsification of Public Documents, Perjury, at paglabag sa R.A. 6085 o An Act to Regulate the Use of Aliases.
Sa ulat ni Col. Sesto kay Southern Police District (SPD) Acting Director P/BGen. Randy Arceo, gumagamit ang akusado ng mga alyas na “Antonio M. Lim”, “Tony Lim”, at “Tony Yang” sa kanyang umano’y mga ilegal na transaksiyon.
Naglaan naman ng piyansang P36,000 ang korte sa kasong Falsification of Public Document, P18,000 sa Perjury, at P30,000 sa R.A. 6085 para sa pansamantalang paglaya ng dayuhan.
Pansamantalang ipiniit sa custodial facility ng Warrant and Subpoena Section ng Pasay Police si Jianxin habang hinihintay pa ang utos ng korte para sa paglilipat sa kanya sa pangangalaga ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Cagayan De Oro City.

