Calendar
Yorme Isko hinatiran ng pqgkain mga na-stranded ns taga-UST
HINDI nagutom ang mga na-stranded na estudyante at staff ng University of Santo Tomas (UST) matapos silang hatiran ng pagkain at gamot ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila.
Pinakilos kaagad ni Mayor Isko Moreno Domagoso ang mga opisyal ng Manila Department of Social Welfare (MDSW), Manila City Disaster Risk Reduction and Management Department (MCDRRMD), at Manila Health Department (MHD) nang malamang stranded sa loob ng UST ang mga estudyante at mga staff matapos tumaas ang baha ng halos hanggang baywang ang Espana Blvd. sa harap ng naturang pamantasan.
Sinabi ni MDSW Director Jay Dela Fuente na nakapaghatid sila ng 1,200 food packs, 30 kahon ng tubig, at 3000 piraso ng Doxycycline na gamot para pigilan ang sakit na leptospirosis.
Bukod sa UST, namahagi rin ang MDSW ng pagkain sa mga Evacuation Center sa iba’t-ibang distrito ng lungsod na pansamantalang tinuluyan ng mga pamilyang lumikas sa kanilang tirahan sanhi ng malalim na pagbaha.
Karamihan sa mga lumikas ang mga naninirahan sa ilalim ng tulay, sa tabi ng ilog, estero at baybaying dagat na pansamantala munang nanuluyan sa mga evacuation center sa Baseco Satellite Office, Melchora Aquino Elementary School, Regidor Elementary School, Barangay 105, at mga evacuation center sa District 6.
Ayon kay Mayor Isko Moreno, mahalaga aniya sa ganitong pagkakataon na walang magutom, walang mapabayaan, at alam ng bawat isa na may gobyernong handang tumulong.

