Adik

‘Adik’ nasukol matapos paltik sa baywang bumukol

Edd Reyes Aug 18, 2026
129 Views

ARESTADO ang hinihinalang drug addict na armado ng baril habang nagtatampisaw sa gutter deep na baha Lunes ng hapon sa Makati City.

Nagpapatrulya ang mga tauhan ni Makati police chief P/Col. Pedro Alagano, Jr. dakong alas-2:15 ng hapon nang lapitan sila ng concerned citizen upang isumbong ang 36-anyos na si alyas Jeffrey, residente ng Brgy. Tejeros, na armado ng baril sa kasagsagan ng malakas na buhos ng ulan sa Amorsolo St. Brgy. San Lorenzo.

Nang magtungo sa lugar ang mga pulis, sinita nila ang suspek nang makita ang nakabukol na puluhan ng paltik na baril sa kanyang baywang na kaagad nilang kinumpiska. Nang kapkapan, nakuha rin sa kanya ang isang plastic sachet na naglalaman ng 0.2 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P1,360.

Sa kanyang ulat kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Glenn Oliver Cinco, sinabi ni Col. Alagano na nai-turn over na nila ang paltik na pen gun sa SPD Forensic Unit upang isailalim sa ballistic examination habang naghain na rin sila ng kasong paglabag sa R.A. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at Section 11 ng R.A. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) laban sa suspek sa Makati City Prosecutor’s Office.