Pagkain

Stranded na estudyante, staff ng UST hinatiran ng pagkain, gamot

Edd Reyes Aug 18, 2026
152 Views

StrandedHINATIRAN ng pagkain at gamot ang mga stranded na estudyante at staff ng University of Santo Tomas (UST) sa utos ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso noong Lunes ng gabi.

Pinakilos ng alkalde ang mga opisyal ng Manila Department of Social Welfare (MDSW), Manila City Disaster Risk Reduction and Management Department (MCDRRMD), at Manila Health Department (MHD) nang malamang stranded sa loob ng UST ang mga estudyante at mga staff matapos tumaas ang baha ng hanggang baywang sa España Boulevard.

Sinabi ni MDSW Director Jay Dela Fuente na nakapaghatid sila ng 1,200 food packs, 30 kahon ng tubig at 3,000 piraso ng Doxycycline na gamot para pigilan ang leptospirosis.

Namahagi rin ang MDSW ng pagkain sa evacuation centers sa iba-ibang distrito ng lungsod na pansamantalang tinuluyan ng mga pamilyang lumikas sa kanilang tirahan sanhi ng malalim na pagbaha.

Karamihan sa mga lumikas ay mga naninirahan sa ilalim ng tulay, sa tabi ng ilog, estero at baybaying dagat na pansamantala munang nanuluyan sa mga evacuation center sa District 6, Baseco Satellite Office, Melchora Aquino Elementary School, Regidor Elementary School at Barangay 105.

Ayon kay Mayor Isko Moreno, mahalaga sa ganitong pagkakataon na walang magutom at walang mapabayaan.