Calendar
May boga habang nagtatampisaw sa baha, tiklo
ARESTADO ang hinihinalang drug addict na may dalang pen gun habang nagtatampisaw sa baha noong Lunes sa Makati City.
Nahuli ng mga tauhan ni Makati police chief P/Col. Pedro Alagano Jr. dakong alas-2:15 ng hapon ang 36-anyos na suspek na si alyas “Jeffrey” na armado ng baril habang nagpapaulan sa Amorsolo Street, Barangay San Lorenzo.
Nang magtungo sa lugar ang mga pulis, sinita nila ang suspek nang makita ang nakabukol na puluhan ng paltik na baril sa kanyang baywang na kaagad nilang kinumpiska.
Nang kapkapan, nakuha rin sa kanya ang isang plastic sachet na naglalaman ng 0.2 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P1,360.
Sa kanyang ulat kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Glenn Oliver Cinco, sinabi ni Alagano na nai-turn over na nila ang paltik na pen gun sa SPD Forensic Unit upang isailalim sa ballistic examination, habang naghain na rin sila ng kasong paglabag sa Republic Act (RA) 10591, o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, at RA 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, laban sa suspek sa Makati City Prosecutor’s Office.

