Isko

Yorme Isko iniutos pagbahagi ng libreng doxycycline vs leptos

Edd Reyes Aug 19, 2026
38 Views

Isko1INIUTOS ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa Manila Health Department (MHD) ang pagbubukas ng lahat ng 44 na health centers sa lungsod Huwebes ng umaga upang mamahagi ng libreng doxycycline sa mga pasyenteng binaha o lumusong sa baha.

Ayon kay Mayor Isko Moreno, naghanda sila ng 124,500 na doxycycline upang maipamahagi, hindi lamang sa mga taga-Maynila, kundi sa lahat ng taong nangangailangan nito, mahirap man o mayaman.

Makakakuha ng gamot ang mga nangangailangan mula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-12:00 ng tanghali sa pinakamalapit na health center sa kanilang lugar.

Ang hakbang ng alkalde ay upang tugunan ang pagdami ng mga tinatamaan ng sakit na leptospirosis na nakukuha sa paglusong sa baha na may ihi ng daga na kadalasang nagiging sanhi ng pagkamatay ng pasyente.

Patuloy namang pinapaalalahanan ni Mayor Isko at ng MHD ang mamamayan na mag-ingat ngayong tag-ulan laban sa Waterborne diseases, Influenza, Leptospirosis, at Dengue na tinaguriang WILD diseases.

Sa pinakahuling datus na inilabas ng MHD mula buwan ng Enero hanggang Agosto ng kasalukuyang taon nakapagtala ang kagawaran ng bilang na 2,300 na tinamaan ng dengue, 159 na nagkasakit ng leptospirosis, 290 na severe acute respiratory infection (SAR), 969 na influenza like illness, 84 ang nagpositibo sa Covid-19, 65 ang typhoid fever at tatlo ang nagka-cholera.