Calendar
Electrician namboso sa naliligong kapitbahay, arestado
HIMAS rehas ang isang 53-anyos na electrician matapos mabuking na binobosohan ang naliligong kapitbahay na misis sa banyo ng kanilang boarding house sa Vergara St., Brgy. 385, Quiapo, Manila, Martes ng hapon.
Nahaharap sa kasong paglabag ng RA 9995 o Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009 ang suspek na nakilalang si alyas Romy.
Ayon sa report ng pulisya, nangyari ang insidente habang kasagsagan ng ulan bandang 3:01 ng hapon.
Ang biktima ay nakilalang si alyas Ana, 27, may asawa, at naninirahan sa Quiapo, Manila.
Base sa paunang imbestigasyon, naliligo ang biktima sa loob ng banyo ng kanilang boarding house nang bigla siyang tumingin sa itaas ng kisame at nakakita ng cellphone na nakatutok sa kanya.
Agad humingi ng tulong ang biktima sa kanyang asawa. Pagkatapos nito, pinuntahan ng asawa at kapatid na lalaki ng biktima ang katabing silid na inuupahan ng suspek at kumatok ng ilang beses.
Tumanggi munang magbukas ang suspek ngunit kalaunan ay binuksan din ang pinto. Agad na kinuha ng asawa ng biktima ang cellphone ng suspek. Nang suriin ang device, natuklasan nila ang isang video recording ng biktima habang naliligo.
Dahil sa sa natuklasan, sinugod ng isang kapwa-Muslim ng biktima ang suspek. Kasunod nito, humingi ng tulong ang isang concerned citizen sa mga awtoridad ng barangay, na siya namang nakipag-ugnayan sa pulisya tungkol sa insidente.
Agad rumesponde sina PSSg Elmer G. Pangilinan, PSSg Lebby W. Simbajon, parehong tauhan ng Palanca PCP),upang arestuhin ang suspek.
Ipinaalam sa inarestong suspek ang kanyang mga karapatang konstitusyonal at ang paglabag na ibinibintang sa kanya sa wikang kanyang nauunawaan, ngunit pinili niyang manahimik.
Dinala ang suspek sa Jose Reyes Memorial Medical Center para sa pisikal at medikal na pagsusuri, at pagkatapos ay dinala sa himpilan ng pulisya para sa imbestigasyon at wastong dokumentasyon.
Inihahanda na ang isang reklamong kriminal para sa paglabag sa RA 9995 at ito ay ipapadala sa Manila City Prosecutor’s Office para sa inquest proceedings.

