Suspend1 Ilang oras matapos ang ulan lumubog sa baha ang malaking parte ng Maynila kaya sinuspinde na ang klase sa lahat ng antas pasado alas-12:00 ng tanghali noong Biyernes. Dala ang baha ng low pressure area (LPA) sa silangan ng Aurora na ngayo’y ganap ng bagyo, ayon sa PAGASA. Kuha ni JONJON C. REYES

Yorme Isko sinuspindi klase sa Maynila dahil sa baha

374 Views

BINAHA ang ilang pangunahing lansangan sa Maynila Biyernes ng umaga nang bumuhos ang malakas na pag-ulan na dulot ng habagat.

Dahil dito, sinuspinde ni Mayor Isko Moreno Domagoso ang pang-hapong face-to-face classes sa lahat ng antas ng pribado at pampublikong paaralan mula alas-12:00 ng tanghali at inatasan ang lahat ng paaralan na mag-shift sa Alternative Delivery Mode.

Kabilang sa mga binahang lansangan ang kahabaan ng Taft Avenue, Pedro Gil, Padre Faura, Kalaw Street, at Quirino Avenue habang hindi naman bumaha sa kahabaan ng Espana Boulevard.

Nagsagawa naman kaagad ng de-clogging operation ang mga tauhan ng Department of Public Service (DPS) sa mga binahang kalye habang inatasan ni Mayor Isko Moreno ang pagsasagawa ng Oplan Libreng Sakay dahil sa dami ng mga na-stranded na pasahero.

Ayon sa Manila Public Information Office (MPIO) umabot sa 60-stranded na pasahero ang naihatid ng libreng sakay patungong Manila City Hall.

Bukod sa Maynila, nagkasa rin ng libreng sakay ang Caloocan City mula boundary ng Maynila patungong McArthur Highway at Monumento patungong SM North Edsa, Bagong Barrio, Sta Quiteria at Sangandaan sa South Caloocan.

May libreng sakay ding itinalaga si Mayor Along Malapitan mula Novaliches patungong Bagong Silang, Bagumbong, at Camarin at mula SM Fairview patungong Bagong Silang at Almar sa North Caloocan. Nina EDD REYES & JONJON C. REYES