Barbers

₱7.2-T 2027 NAT’L BUDGET INAPRUBAHAN SA HOUSE APPROPRIATIONS COMMITTEE

Mar Rodriguez Sep 15, 2026
163 Views

ISINAGAWA ang isang mahalagang executive meeting ng House Committee on Appropriations para talakayin at aprubahan ang House Bill No. 10858 o ang House version ng panukalang FY 2027 General Appropriations Bill at ihanda ang kaukulang Committee Report.

Umaabot sa ₱7.2 trilyon ang panukalang pambansang badyet para sa 2027 na naglalaman ng mga prayoridad ng Kamara sa paggasta ng pamahalaan, kabilang ang mga programa at proyekto na nakatakdang pondohan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Bilang Vice Chairperson ng Committee on Appropriations, sinabi ni Surigao del Norte Rep. Badette Barbers na patuloy niyang susuriing mabuti ang bawat panukalang alokasyon upang matiyak na ang pondo ng pamahalaan ay mapupunta sa mga programang tunay na tumutugon sa pangangailangan ng mga Pilipino at kanilang mga komunidad.

“Hindi lang ang halaga ng budget ang importante, kundi kung saan ito mapupunta at kung ano ang mga konkretong resulta na maibibigay nito sa ating mga kababayan,” pahayag ni Barbers.

Binigyang-diin ng Lady solon na mahalagang masukat ang badyet hindi lamang sa laki ng pondong inilaan kundi sa aktuwal na epekto nito sa buhay ng mga mamamayan lalo na sa mga serbisyong pangkalusugan, edukasyon, kabuhayan, imprastraktura at iba pang pangunahing pangangailangan.

Sa pag-usad ng deliberasyon para sa FY 2027 General Appropriations Bill, layunin ng Kamara na matiyak na ang bawat pondong inilaan ay may malinaw na programa, sapat na batayan at konkretong pakinabang para sa publiko.

Para kay Barbers, ang responsableng paglalaan ng pondo ay bahagi ng tungkulin ng Kongreso upang matiyak na ang ₱7.2 trilyong pambansang badyet ay magiging tunay na puhunan para sa serbisyo publiko at pag-unlad ng mga Pilipino.