Calendar
Source: QPPO
₱7M halaga ng arapaima kinatay umano ng 3 resort workers para sa tanghalian

ARESTADO ang tatlong manggagawa ng isang resort at leisure park matapos umanong nakawin at katayin ang isang arapaima na tinatayang nagkakahalaga ng ₱7 milyon upang paghati-hatian at kainin sa tanghalian sa Barangay Bantigue, Pagbilao, Quezon.
Ayon sa pulisya, ang arapaima ay tumitimbang ng 90 kilo, may habang 6.7 talampakan, at tinatayang 25 taong gulang.
Sa imbestigasyon, palihim umanong inilabas ng mga suspek ang higanteng isda mula sa fishpond ng Costa Solano Resort and Leisure Park at dinala ito sa isang bahay sa loob ng resort, kung saan nila ito kinatay.
Nadiskubre ang insidente matapos makita ng isang saksi ang mga suspek habang kinakatay ang isda. Napag-alaman din na balak umano nilang paghati-hatian at kainin ang karne nito.
Agad na ipinaalam ng saksi ang pangyayari sa resort foreman at security guard, na nagresulta sa pagkakaaresto ng tatlong suspek at kanilang turnover sa pulisya.
Nahaharap ngayon ang mga suspek sa kaukulang mga kaso kaugnay ng insidente.
