Calendar
12 bagong ruta ginawa ng LTFRB
LABING-dalawang ruta ng transportasyon ang binago ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa ilalim ng Public Transportation Modernization Program (PTMP).
Layunin ng pagbabago ng ruta na gawing moderno ang pampublikong transportasyon at mas mapagaan ang biyahe ng mga Pilipino.
Ayon kay Atty. Vigor D. Mendoza II, Chairman ng LTFRB, nakatuon sa pagpapadali ng biyahe ng mga mananakay sa Rizal, Quezon City, Mandaluyong at Surigao del Sur ang mga binagong ruta.
Kabilang sa mga binagong ruta ang Rodriguez, Rizal – Quezon Memorial Circle (pabalik-balik); Rodriguez, Rizal – Antipolo City (pabalik-balik); San Mateo, Rizal – Cubao, Quezon City via Marikina (pabalik-balik), Mandaluyong City Hall – One Ayala Terminal Hub at Cantilan, Surigao del Sur – Surigao City via Bad-as Terminal.
Ayon kay Mendoza, daan-daang ruta pa ang kasalukuyang pinag-aaralan upang matukoy ang pinakamabilis at pinaka-maginhawang paraan ng pagbiyahe sa buong bansa.
Malaking tulong din ang mga binagong ruta sa mga operator at driver dahil mangangailangan ito ng mas maraming modernong jeepney units, na magbubukas ng dagdag na oportunidad sa negosyo at kabuhayan, ayon sa LTFRB chief.
Daan-daang bagong ruta na ang naaprubahan at marami pa ang kasalukuyang sinusuri. Kasabay nito, unti-unti na ring isinasagawa ang paggamit ng mga modernong jeepney.
Itinaas na rin ng pambansang pamahalaan ang subsidiya para sa pagbili ng modernong jeepney hanggang P400,000 bawat unit.
Sa ngayon, kabilang ang mga binagong ruta at bagong pangangailangan sa modernong jeepney sa 37,000 backlog na naresolba ng LTFRB.

