Calendar
SOURCE: Larawan at video mula sa FB/Mayor Ray Ruiz, WonderNoy
13-ANYOS NA DALAGITA, PATAY SA TUBUHAN; ALKALDE NANAWAGAN NG HUSTISYA
MARIING kinondena ni Candoni Mayor Ray Ruiz ang brutal na pagpatay sa 13-anyos na si Rica Grace Simple, na natagpuang wala nang buhay sa isang tubuhan sa Barangay Poblacion West noong gabi ng Abril 27.
Ayon sa imbestigasyon, bandang alas-7 ng gabi nang huling makitang buhay ang biktima matapos utusan ng kanyang ina na bumili ng yelo sa tindahan. Ngunit nang hindi ito makabalik sa bahay makalipas ang ilang oras, agad siyang hinanap ng pamilya.
Bandang alas-8:20 ng gabi nang matagpuan ang kanyang bangkay sa tubuhan. Lumabas sa paunang imbestigasyon na may tama sa ulo ang dalagita.
Nagpaabot ng pakikiramay ang alkalde sa pamilya ng biktima at sinabi na hindi dapat maranasan ng sinumang pamilya at komunidad ang ganitong trahedya.
Inatasan na rin umano niya ang mga awtoridad na pabilisin at palalimin ang imbestigasyon upang matukoy at mapanagot ang salarin. Giit ni Ruiz, “Justice will be served. We are committed to ensuring those responsible are fully answerable under the law.”
Samantala, nagpahayag din ng matinding pagluluksa ang mga kaanak at kaibigan ni Rica sa social media.
