Calendar
3 tiklo sa P680K na shabu

KAMPO HENERAL MALVAR, Batangas City—Tatlong drug suspek noong Linggo ang nahuli sa isinagawang drug buy-bust sa syudad na ito at nakumpiska sa kanila ang P680,000 na halaga ng shabu.
Kinilala ni Batangas police director P/Col. Meliton Salvadora Jr. ang mga suspek na sina alyas Rex, 47; Omar, 34; at Teddy, 41.
Nahuli ang tatlo ng mga tauhan ng Office of the Provincial Director-Drug Enforcement Unit, Philippine Drug Enforcement Agency Batangas at Batangas City police sa aktong nagbebenta sa pulis poseur-buyer na substansiya na pinaghihinalaang shabu.
Nakumpiska mula sa tatlo ang humigit-kumulang sa 100 gramo ng shabu na may halagang P680,000, buy-bust money, tatlong cellphone at isang sasakyan.
Ang mga suspek ay dinala sa Batangas Medical Center para sa medikal na pagsusuri at sa Philippine Drug Enforcement Unit (PDEU) Office para sa dokumentasyon.

