Cable SOURCE: Larawan mula sa FB/PNP

16 TIMBOG SA PAGNANAKAW NG UNDERGROUND COPPER CABLE SA SAN JUAN

21 Views

ARESTADO ang 16 katao matapos maaktuhang nagpuputol at naghahakot umano ng underground copper cables sa San Juan madaling-araw ng Mayo 5.

Nahuli ang mga suspek bandang alas-12:15 ng madaling-araw sa Araullo Street, Barangay Addition Hills, matapos makatanggap ng sumbong ang mga awtoridad mula sa isang concerned citizen. Sa pagresponde ng mga pulis, naabutan umano ang grupo habang pinuputol at ikinakarga ang mga kable.

Kabilang sa mga naaresto ang isang 48-anyos na lalaki na kinilalang alyas “Gabe,” habang pinaghahanap pa ang itinuturong lider ng grupo na si alyas “Pipoy.” Isang menor de edad din ang nasagip sa operasyon.

Narekober sa mga suspek ang mga underground copper cable wires na pagmamay-ari ng isang telecommunications company na tinatayang nagkakahalaga ng ₱456,159.49. Nasamsam din ang iba’t ibang kagamitan na umano’y ginamit sa operasyon, kabilang ang isang closed van, isa pang sasakyan, bolt cutters, steel bars, at iba pang gamit sa pagbubukas ng underground cable lines.

Nahaharap ang mga naarestong suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 10515 o Anti-Cable Television and Cable Internet Tapping Act of 2013, bukod pa sa kasong theft sa ilalim ng Revised Penal Code.

Ayon sa Philippine National Police, patuloy ang operasyon laban sa mga grupong sangkot sa pagnanakaw at pagsira sa mahahalagang pasilidad na nakaaapekto sa serbisyo publiko.