2/3 votes para mapatalsik opisyal ng gobyerno ‘di ko pananaw–Davide

Mar Rodriguez Sep 16, 2026
186 Views

PINABULAANAN at binatikos ni dating Supreme Court Chief Justice Hilario Davide Jr. ang mga kumakalat sa social media tungkol sa kanyang pananaw sa kinakailangang two-thirds vote upang ma-impeach ang isang opisyal ng gobyerno.

Sinabi ni Davide na ang ilang social media post ay nagbibigay ng maling impresyon sa kanyang posisyon at maaaring makapanlinlang sa publiko.

Ipinaliwanag ni Davide na ang kanyang paglahok bilang amicus curiae o “kaibigan ng hukuman” sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ay pagkakataon upang ilahad niya ang kanyang opisyal na posisyon sa usapin.

Ayon kay Davide, may ilang partido na nagpakita sa social media ng kanyang dating pahayag na para bang tahasan niyang sinasabing 16 na senador, o two-thirds ng buong 24 na miyembro ng Senado, ang kinakailangan para sa conviction.

Ayon kay Davide, ang naturang pahayag ay bahagi lamang ng isang panayam sa kanya ni Winnie Monsod sa programang “Bawal Ang Pasaway Kay Mareng Winnie” ng GMA News noong Marso 2018.

Noong panahong iyon, isinasagawa ng House Committee on Justice ang deliberasyon sa impeachment case laban sa noo’y Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Ipinaliwanag ni Davide na ang kanyang sagot noon ay nakabatay sa sitwasyon kung saan 24 ang mga senador, bagama’t may isang senador na nagbitiw at wala ring sinumang senador na may hadlang para gampanan ang kanyang mga karapatan at tungkulin bilang miyembro ng Senado.

Sa kanyang memorandum, mas malalim na tinalakay ng dating Chief Justice ang mga probisyon ng 1935 at 1973 Constitutions hinggil sa bilang ng boto na kinakailangan upang mahatulan ang isang opisyal sa impeachment.

Sa kanyang naging konklusyon, sinabi ni Davide na ang pagbibilang ng kinakailangang two-thirds vote ay dapat ibatay lamang sa mga senador na aktibong nakikilahok sa impeachment trial, at hindi awtomatikong sa lahat ng 24 na miyembro ng Senado.

Sinabi nito na hindi dapat isama sa computation ang mga senador na hindi makalahok dahil sa karamdaman, nasa labas ng bansa, nagtatago upang maiwasan ang pag-aresto, o may legal na hadlang na pumipigil sa kanila na gampanan ang kanilang tungkulin bilang mga opisyal ng pamahalaan.

Sa kasalukuyang Senado, kabilang sa mga hindi aktibong nakikilahok sa paglilitis si Sen. Jinggoy Estrada, na nahaharap sa hiwalay na kasong plunder at kasalukuyang nakadetine.

Hindi rin nakikilahok sa paglilitis sina Sen. Loren Legarda, na naka-extended medical leave, at Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, na nagtatago kaugnay ng arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court.