Calendar
2-anyos nakitang patay sa kuwarto, inang may depression person of interest
PATAY na nang matagpuan ang dalawang-taong gulang na batang lalakisa loob ng kanilang kwarto sa Brgy. Muzon 1st, Alitagtag, Batangas noong Biyernes.
Ayon sa report ng Alitagtag police, person of interest sa pagkamatay ng biktimang si Joshua ang kanyang ina na si alyas Jhuvi na nakabulagta din sa higaan.
Naalarma ang kapitbahay at ang nangungupahang drayber na si Marlon Malalis, 49, dahil sa dalawang araw na umanong tahimik ang bahay ng mga biktima.
Nang rumesponde ang mga opisyal ng barangay, laking gulat nila nang makitang magulo ang bahay at doon tumambad ang nakapanlulumong sitwasyon ng mag-ina.
Isinugod ng mga responders ang dalawa sa Martin Marasigan District Hospital ngunit idineklarang patay na ang bata.
Ligtas naman ang ina ngunit kasalukuyan pang nagpapagaling.
Ayon sa pulisya, may kasaysayan ng depresyon ang ina at hindi pa ito makapagsalita ukol sa tunay na nangyari sa bata.

