Calendar
2 bata nasunog ng buhay; 8 pa nagtamo ng burns
NASUNOG ng buhay ang 6-anyos na batang lalaki at 7-anyos na batang babae at walo pa ang nagtamo ng minor burns sa tatlong bahay na nasunog sa Brgy. Sto. Domingo, Quezon City habang malakas ang ulan noong Sabado.
Isinugod sa Quezon City General Hospital ang walong nagtamo ng sunog.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), dakong alas-10:30 ng gabi ng magising ang lolo ng mga bata ng makaamoy ng usok at mapansin ang apoy sa loob ng bahay.
Sumigaw ang lolo para humingi ng tulong at tinangka pang alamin kung may iba pang taong kailangang iligtas.
Pero dahil sa tindi ng apoy, nagtungo siya sa fire exit at nakalabas ng bahay.
Ayon sa BFP nagmula ang sunog sa isang kuwarto sa ikalawang palapag at posibleng sanhi ng kandilang naiwan na nakasindi.
Idineklarang under control ang sunog dakong alas-1:31 ng madaling araw at tuluyang naapula alas-3:06 ng madaling araw noong Agosto 30.
Umabot sa 30 fire truck ang rumesponde sa insidente–18 mula sa BFP at 12 mula sa iba’t- ibang volunteer fire groups.
Sa cursory examination ng QCPD Forensic Unit, nakita ang matinding mga paso sa buong katawan ng dalawang biktima.

