Maynila

Manila ‘nalunod’ sa 10 araw na ulan noong Sabado

Edd Reyes Aug 30, 2026
160 Views

Maynila1KATUMBAS ng 10 araw na ulan ang ibinagsak sa Maynila noong Sabado, ayon sa Manila City Disaster Risk Reduction and Management Department (MCDRRMD) sa ulat kay Mayor Isko Moreno Domagoso.

Alas-4:00 ng hapon naitala na pinakamalakas ang ulan.

Sinabi ni MCDRRMD resident meteorologist Christian John Evangelista na naitala nila ang pinakamalakas na buhos ng ulan sa Dr. Alejandro Albert Elementary School sa Sampaloc na umabot sa 147.4mm.

Ang iba pang lugar na nakapagtala ng malakas na ulan mula ala-1:00 hanggang alas-4:00 ng hapon ay ang Cayetano Arellano High School (143mm), BASECO Evacuation Center (135.8mm) at Manila City Hall (129.6mm).

Ayon pa sa MCDRRMD, ang tuloy-tuloy na ulan hanggang hapon ang nagdulot ng baha sa Taft Avenue at España Boulevard.

Nakapagtala rin ng walong pulgadang pagbaha sa Pedro Gil sa Roxas Boulevard habang sa Kalaw Avenue patungong Taft Avenue at sa kanto ng Tayuman at Jose Abad Santos ay umabot ng hanggang 10 pulgada o higit pa ang baha.

Ayon kay Manila Department of Social Welfare (MDSW) Director Jay Dela Fuente, 367 pamilya at 1,141 indibiduwal ang nananatili sa mga evacuation centers sa iba’t-ibang lugar sa lungsod.