Calendar
Halos 100 gramo ng shabu nasamsam sa 2 ‘tulak’ sa Taguig
INARESTO ng National Bureau of Investigation (NBI)-Dangerous Drugs Division (NBI-DDD) ang dalawang drug suspek, kasama ang isang menor-de-edad sa Taguig City at nakumpiska ang 96.2098 na gramo ng shabu na may tinatayang halaga na P700,000.
Nag-ugat ang pag-aresto sa ulat na may isang indibidwal na sangkot sa ilegal na pagbebenta ng methamphetamine hydrochloride o shabu sa lugar.
Batay sa drug screening ng NBI-Forensic Chemistry Division (NBI-FCD), parehong positibo na may dalang shabu ang dalawa.
Ang inarestong menor-de-edad ay inilipat sa Bahay Pag-Asa sa Taguig City upang suriin ang kanyang kakayahang umunawa sa kanyang mga kilos.
Iniharap ang mga nasasakdal sa online inquest proceedings dahil sa paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
Sinabi ni NBI Director Atty. Melvin Matibag na matatag ang ahensya laban sa ilegal na droga at binigyang-diin na sa likod ng bawat kabataang biktima ng ilegal na droga ay may pamilyang Pilipinong nagdurusa.
“Kabahagi ng Pangulo ang ganitong pagkabahala at inatasan niya kaming panatilihin ang mahigpit na aksyon laban sa mga nagbebenta at nagpapakalat ng ilegal na droga.
Ayaw niyang malagay sa panganib ang ating mga kabataan. Patuloy naming gagawin ang lahat upang protektahan ang ating mga kabataan at mga komunidad,” pahayag ni Matibag.

