Calendar
2 disisais, isang 17 anyos huli sa robbery-homicide sa kelot,59



QCPD-PIO
TATLONG menor de edad na itinuturong sangkot sa robbery with homicide ang isinailalim sa protective custody ng Quezon City Police District (QCPD) matapos ang hot-pursuit operation sa Laguna at Batangas.
Nag-ugat ang kaso sa pagkamatay ng isang 57-anyos na lalaki na natagpuang wala nang buhay sa banyo ng isang hotel room sa Timog Avenue, Barangay Sacred Heart, Quezon City, dakong alas-11:20 ng umaga noong Agosto 26.
Batay sa paunang imbestigasyon, natagpuan ang biktima matapos mapansin ng room attendant ang mga basag na salamin at bakas ng dugo sa loob ng kuwarto. Nakita rin ang sugat sa likod ng ulo ng biktima.
Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng QCPD Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) at Kamuning Police Station 10, sinuri ang mga CCTV footage at iba pang ebidensya.
Nabatid na huling nakita ang biktima na kasama ang tatlong lalaking CICL bago umalis ang mga ito sa hotel. Lumitaw din sa imbestigasyon na may mga personal na gamit ng biktima na umano’y dala ng mga suspek.
Malaking tulong sa pagtunton sa mga CICL ang mga ninakaw na cellphone na natukoy at na-track ng mga imbestigador sa pamamagitan ng kanilang linked accounts at operating systems.
Dahil dito, dakong alas-6:50 ng gabi noong Agosto 29, isinailalim sa protective custody sina alyas “AJCE,” 16, at “JLB,” 17, sa Lumban, Laguna.
Dakong alas-11:55 naman ng gabi, isinailalim din sa protective custody sa Tanauan City, Batangas si alyas “RDS,” 16, sa tulong ng lokal na pulisya.
Narekober sa operasyon ang ilang gamit na umano’y pag-aari ng biktima, kabilang ang mga cellphone, wristwatch, black pouch, at mga bank at credit card.
Napag-alaman na ginamit umano ng mga suspek ang debit card ng biktima sa pagshopping, sa isang boutique ng mga damit ay umabot ang bill ng P11,000.
Sa mga sumunod na araw ay nagawa pa umanong mag-outing ng mga suspek kasama ang iba pang mga kaibigan sa isang resort sa Laguna at Quezon.
Ang tatlong CICL ay ipinaalam ang kanilang mga karapatan at isinailalim sa protective custody alinsunod sa batas.
Sasailalim din sila sa physical examination bago i-turn over sa Quezon City Social Services Development Department (QC-SSDD) para sa discernment assessment at kaukulang intervention.
Isasampa naman sa Quezon City Prosecutor’s Office ang reklamo para sa robbery with homicide para sa kaukulang inquest proceedings.

