Murder

Tambay nagtago ng higit isang taon dahil sa murder, nakorner

Edd Reyes Aug 30, 2026
135 Views

TIMBOG matapos ang mahigit isang taong pagtatago ng wanted na tambay nang muling bumalik sa kanyang tirahan Sabado ng gabi sa Taguig City.

Alas-10:20 ng gabi nang masorpresa si alyas “Jeric”, 25, sa pagdating ng mga tauhan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Glenn Oliver Cinco sa kanyang tirahan sa Apple St. Phase 3, Brgy. New Lower Bicutan.

Hindi na nakapalag ang akusado nang isilbi sa kanya ng mga operatiba ng Taguig Police Sub-Station 7 ang warrant of arrest na inilabas noon pang Seytembre 17, 2025 ng Taguig Regional Trial Court (RTC) Branch 266 para sa kasong Murder.

Sinabi ni Taguig police chief P/Col. Julius Añonuevo na walang piyansang inirekomenda ang hukuman para sa pansamantalang paglaya ng akusado bunga ng mabigat na krimen na kanyang kinasasangkutan.

Nakapiit si alyas Jeric sa custodial facility ng Taguig Police Station habang hinihintay pa ang ilalabas na utos ng hukuman para sa paglilipat sa kanya sa Taguig City Jail.