Student Source: PTV

2 estudyante arestado sa pagdadala ng baril. kutsilyo sa paaralan sa Aparri

Zaida Delos Reyes Jun 26, 2026
170 Views
Weapon
Source: PTV

ARESTADO ang dalawang mag-aaral matapos na makumpiskahan ng baril at kutsilyo sa isang routine bag inspection sa Aparri School of Arts and Trade ( ASAT) nitong Biyernes ng umaga.

Ayon sa ulat ng Philippine National Police (PNP), ininspeksyon ng mga tauhan ng 1st Mobile Force Platoon, 2nd Provincial Mobile Force Company ang mga bag ng mga estudiyante ng paaralan dakong 11:28 ng umaga.

Sa gitna ng inspeksyon, na-recover mula sa isang 15-anyos na Grade 10 student ang isang improvised caliber .38 firearm, habang isang kitchen knife naman ang natagpuan sa bag ng isang 14-anyos na Grade 8 student.

Isinagawa ang inspeksyon sa harap ng punong-guro ng paaralan na si Edgar Garcia.

Sa paunang imbestigasyon, lumabas na kapwa umano nag-cutting classes ang dalawang estudyante at inamin nilang dinala nila ang mga armas dahil sa personal na alitan o “grudges.”

Nauna nang pinaigting na seguridad sa mga paaralan sa buong bansa matapos ang madugong insidente ng pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City, kung saan tatlong estudyante ang nasawi at dalawampu ang nasugatan.

Dahil dito, iniutos ni PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. sa lahat ng police regional at local units na makipag-ugnayan sa Department of Education (DepEd) upang palakasin ang school security, dagdagan ang police visibility, magsagawa ng security assessments, at paigtingin ang intelligence sharing at threat monitoring.

Nakipagpulong na rin si DepEd Secretary Sonny Angara sa PNP, National Bureau of Investigation (NBI), at Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) upang talakayin ang tumataas na kaso ng karahasan sa paaralan at ang posibleng kaugnayan nito sa exposure ng mga kabataan sa mararahas na online games, social media, at iba pang mapanganib na online content.