Batangas

2 Kelot may ilegal na boga tiklo sa magkahiwalay na raid sa Batangas

108 Views

Batangas1

KAMPO HENERAL MALVAR, Lungsod ng Batangas — Dalawang lalaki ang nasakote noong Martes ng mga awtoridad sa magkahiwalay na raid matapos makumpiskahan ng mga iligal na armas at bala, ayon kay Batangas Police Director PCol. Oliver Ebora.

Sa bayan ng Agoncillo, sinalakay ng mga pinagsamang tauhan ng Provincial Intelligence Unit , Batangas Provincial Police at Agoncillo Municipal Police ang tahanan ng isang suspek na kinilala sa alyas na Leo sa Barangay Mabini, bandang alas-5:45 ng umaga.

Isinagawa ang operasyon sa bisa ng search warrant na inilabas ni Judge Nevic C. Adolfo, ng Regional Trial Court, Branch 83, ng Tanauan City, dahil sa paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Nasamsam mula kay alyas Leo ang isang Pietro Beretta caliber 9 mm pistol, magasin, at 12 bala.

Samantala, nadakma naman si alyas Norman ng mga elemento ng Batangas Component City Police Station, sa pamumuno ni PCPT Lloyd A. Maralit, bandang alas-3:10 ng hapon sa Sitio Tramo, Brgy. Soro Soro Karsada, Batangas City.

Bitbit ang search warrant na inilabas din ni Judge Adolfo, nakuha ng mga pulis sa posesyon ni alyas Norman ang isang Smith & Wesson caliber .38 revolver na may kargang bala, kasama ang tatlo pang karagdagang bala.

Ang buong operasyon ay ginamitan ng mga body-worn camera upang matiyak ang kredibilidad at legalidad ng paghahanap. Kasalukuyan nang nasa piitan ng kani-kanilang istasyon ang mga suspek na nahaharap sa kaukulang kaso.