Calendar
HIGIT P1M ILEGAL NA YOSI SINIRA NG ECIJA PNP



CAMP GENERAL MARIANO N. LLANERA, CABANATUAN CITY — Mahigit P1 milyong halaga ng pekeng sigarilyo ang sinira sa ginanap na programang “Pagkondena at Pagsira ng mga Kumpiskado at Isinukong Iligal na Sigarilyo” dito nitong Miyerkules.
Pinangunahan ang aktibidad ni Nueva Ecija top cop Col. Ritchie R. Claravall at mga kinatawan mula sa Bureau of Internal Revenue, Bureau of Fire Protection, Provincial Health Office at Business Permit and Licensing Office sa loob ng kampo.
Sa kabuuan, nasa 1,468 ream ng pekeng sigarilyo na nagkakahalaga ng P1,146,543 ang sinira sa aktibidad.
Ayon kay Claravall, nasamsam ang mga kontrabandong ito sa pamamagitan ng maigting na operasyon na inilunsad laban dito gayundin sa boluntaryong pagsuko sa awtoridad na bunga na din ng pakikipagdayalogo sa mga konsernadong sektor ng mga tauhan ng NEPPO.
“Patuloy na palalakasin ng NEPPO ang kampanya nito laban sa mga ilegal na produktong tabako sa pamamagitan ng patuloy na operasyon sa pagpapatupad ng batas, pinalakas na koordinasyon sa mga kasosyong ahensya, at mga inisyatibo sa pakikipag-ugnayan sa komunidad na naglalayong protektahan ang mga mamimili, suportahan ang mga lehitimong negosyo, at pangalagaan ang kita ng gobyerno,” pahayag ni Claravall.

