Calendar
2 parak huli sa pagbebenta ng boga
TIMBOG sa buy-bust ng mga pulis ang dalawa nilang kabaro na suma-sideline sa pagbebenta ng iligal na armas noong Huwebes sa Caloocan City.
Kinilala ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili ang mga natiklong pulis na sina alyas Onin, staff sergeant, 32; at JayAr, 39, na may ranggong sergeant, 39.
Sa ulat kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/MGen. Anthony Aberin, nagkasa ng buy-bust dakong alas-5:30 ng umaga ang mga tauhan ni P/Lt. Jomar De Belen, OIC ng Police Sub-Station-3, matapos ang ilang araw na surveillance laban sa dalawa makaraang matanggap ang impormasyon sa kanilang ilegal na aktibidad.
Isang sibilyan ang ginamit bilang poseur-buyer ng pulisya na nagbayad ng P2,500 na markadong salapi sa mga suspect kapalit ng hindi lisensyadong kalibre .38 revolver na kargado ng dalawang bala.
Bukod sa ibinentang revolver, nakumpiska rin nina Lt. De Belen ang .9mm pistol na may kargado ng 10; at 15 bala naman sa isa pa, isang 12-gauge shotgun na may apat na bala, dalawang mobile phone, dalawang motorsiklong parehong walang plate number at ang ginamit na markadong salapi.
Mahaharap sa kasong kriminal ang dalawa kaugnay sa paglabag sa Illegal Sale and Illegal Possession of Firearms at Possession/Sale of High-Powered Firearms sa ilalim ng RA 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act sa Caloocan City Prosecutor’s Office.

