Sinaksak Inoobserbahan ang mga biktima ng pananaksak sa magkahiwalay na lugar sa Manila.

2 sinaksak, nakaligtas kay Kamatayan

Jon-jon Reyes May 5, 2025
17 Views

DALAWANG biktima ng pananaksak sa Maynila ang himalang nakaligtas noong Linggo at Lunes.

Unang nasaksak ang miyembro ng Philippine Navy na kinadyot ng isang binata na natimbog ng mga elemento ng Manila Police District sa Sta. Ana Maynila.

Bandang alas-2:00 ng madaling araw naganap ang pananaksak sa Turno St., Brgy. 812, Sta. Ana, Manila.

Ayon sa report ni Police Captain Renato Ramento, hepe ng Station Investigation Division Management Branch (SIDMB) kay Police Lieutenant Colonel Dionell Brannon, station commander ng Sta. Ana Police Station 6, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang biktima at suspek na nagresulta sa pananaksak sa ulo ng biktima.

Nadakip ang suspek at nakumpiska ang isang fan knife na ginamit sa pananaksak.

Samantala, isang 26-anyos na babaeng vendor ang biktima din ng pananaksak ng mga riding in tandem sa Padre Burgos St., Brgy. 654, Intramuros, Manila noong Lunes.

Ayon kay Police Lieutenant Lloyd Carl Mupas, bandang alas-3:15 ng madaling araw ini-report ang insidente.

Nagtamo ng saksak sa hita ang biktima at isinugod sa Justice Jose Abad Santos General Hospital.