Calendar
2 suspek na tulak laglag sa P.5M ketamine, shabu
MAHIGIT P.5 milyong halaga ng ketamine at shabu ang nakumpiska sa dalawang pinaniniwalaang tulak ng iligal na droga sa buy-bust noong Biyernes sa Makati City.
Kinilala ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Glenn Oliver Cinco ang mga nadakip na sina alyas Michael, 39, at Randy, 38.
Naaresto ang 2 dakong alas-3:25 ng madaling araw sa Brgy. San Isidro, Makati City.
Target ng operasyon ng Makati Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) si alyas Michael na nakuhanan ng 6.2 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P42,160, drug paraphernalia at markadong salapi at nakumpiska sa kasabwat niyang si alyas Randy ang P500,000 na halaga ng ketamine.
Ayon kay Makati police chief P/Col. Pedro Alagano, Jr., Kit Kat ang bansag ng mga drug addict sa ketamine na ang totoong gamit ay bilang medical anesthesia o pampamanhid, partikular sa mga hayop na ginagamot ng mga beterinaryo.
Kadalasan itong ginagawang pulbos na sinisinghot ng mga lulong sa droga o likido na tinuturok para makaranas ng halusinasyon.
Nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang dalawa sa Makati City Prosecutor’s Office.
