Calendar
QCPD itinanggi akusasyon ng rape, pag-inom sa opisina, cover up
PINABULAANAN ng Quezon City Police District (QCPD) ang mga kumakalat na mapanirang akusasyon na ilang tauhan ng QCPD ang sangkot sa kaso ng rape, pag-inom ng alak sa loob ng opisina, at umano’y pagtatakip sa mga insidente.
Kinondena rin ng QCPD ang pagpapakalat ng maling impormasyon sa iba’t- ibang Facebook groups.
Ayon sa QCPD, lumabas sa isinagawang imbestigasyon at sa mga sinumpaang salaysay ng nagreklamo at ng mga sangkot na tauhan na walang sapat na ebidensya upang patunayan ang mga alegasyon ng panggagahasa, pag-inom ng alak sa loob ng opisina, at umano’y pagtatakip sa insidente.
Sinabi ng QCPD na walang naihain na kasong rape laban sa mga tinukoy na pulis at napatunayang walang sapat na batayan upang magsampa ng anumang administratibo o kriminal na kaso. Dahil dito, ini-archive na rin ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang usapin.
Nagbabala ang QCPD na maaaring managot sa ilalim ng umiiral na batas ang sinumang sadyang magpapakalat, magbabahagi o magre-repost ng maling at mapanirang impormasyon.
Iginiit ng QCPD na patuloy nitong poprotektahan ang integridad ng mga tauhan nito at magsasagawa ng nararapat na legal na hakbang laban sa mga gumagamit ng social media upang magpakalat ng maling impormasyon na nakasisira sa reputasyon ng mga indibidwal at institusyon.
Nadismaya ang mga pulis na isinasangkot sa umano’y mapanirang mga post sa social media.
Iginiit nilang walang katotohanan ang mga paratang at hindi makatarungan ang paghusga sa kanila.
Higit sa kanilang sarili, ang ikinababahala nila ay ang epekto ng isyu sa kanilang mga pamilya na naaapektuhan na rin ng mga kumakalat na maling impormasyon.

