Rape

Ama dinampot sa pagbugbog sa ‘nambastos’ sa anak

39 Views

ARESTADO ang isang ama at isa pang lalaki matapos umanong bugbugin ang suspek na nambastos umano sa kaniyang menor de edad na anak sa Quezon City, ang pangbubugbog ay nakunan ng video at naging viral pa sa social media.

Ayon sa Quezon City Police District (QCPD), nauna nang naaresto ang 29-anyos na suspek na si alyas “Nik,” residente ng Caloocan City, kaugnay ng umano’y pambabastos sa isang menor de edad.

Matapos ang kanyang pagkakaaresto, kumalat sa social media ang video kung saan makikitang siya ay pisikal na sinasaktan.

Sa imbestigasyon ng Kamuning Police Station (PS 10), natukoy na ang isa sa dalawang lalaking nanakit sa suspek ay ang ama ng menor de edad na biktima na binastos umano ng suspek. Naganap ang insidente dakong alas-6:05 ng umaga noong Hulyo 30 sa Felix Manalo Street, Barangay Immaculate Conception.

Dakong alas-4:00 ng hapon ng parehong araw, nagtungo sa PS 10 ang ama ng suspek upang magsampa ng reklamo laban kina alyas “Tay,” 31, ama ng menor de edad, at alyas “JA,” 32. Dahil sa viral video, agad ding inaresto ng pulisya ang dalawa na noo’y nasa himpilan.

Lumalabas din sa beripikasyon ng QCPD na si alyas “Nik” ay may naunang rekord sa kasong paglabag sa R.A. 7610 noong 2019 at theft. Nabatid din na siya ay na-diagnose ng isang psychiatrist na may F20.3 Undifferentiated Schizophrenia.

Inihahanda na ng pulisya ang kasong physical injuries laban kina alyas “Tay” at “JA” sa Quezon City Prosecutor’s Office.