Martin1 TURNOVER NG NEP — Tinanggap ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez mula kay Budget Secretary Amenah Pangandaman ang panukalang P6.793 trilyong pambansang budget, sa simpleng turnover ceremony sa Romualdez Hall ng House of Representatives, umaga ng Miyerkules.

2026 national budget hakbang tungo sa kaunlaran — Speaker Romualdez

335 Views

MALUGOD na tinanggap ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang panukalang P6.793 trilyong pambansang budget ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa 2026, na tinawag nitong budget para sa mamamayang Pilipino.

“This budget is more than numbers and tables—it is a family’s budget. It speaks to every parent who dreams of a better life for their children, every worker who strives for a secure future, and every community that hopes for safety, opportunity, and dignity,” ani Speaker Romualdez matapos ang Budget Message ng Pangulo sa Kongreso.

Ang tema ng 2026 National Expenditure Program (NEP), “Agenda for Prosperity: Nurturing Future-Ready Generations to Achieve the Full Potential of the Nation,” ay nakatuon sa mga pamumuhunan na direktang tumutugon sa mahahalagang pangangailangan ng bawat pamilyang Pilipino, kabilang na ang:

• De-kalidad na Edukasyon para sa mga Bata – Ang pinakamalaking pondo sa kasaysayan para sa edukasyon na P1.224 trilyon ay ilalaan sa pagpapatayo ng mga silid-aralan, pagkuha ng karagdagang guro, paggamit ng teknolohiya sa pagtuturo, at pagpapalakas ng programang pangnutrisyon para sa mga mag-aaral.

• Abot-kamay at Abot-kayang Serbisyong Pangkalusugan – P320.5 bilyon ang nakalaan para sa mas malawak na medical assistance, pagpapahusay ng mga ospital, at pagpapatibay ng universal health care upang walang Pilipinong pagkakaitan ng gamutan dahil lamang sa kahirapan.

• Pagkain sa Hapag-Kainan – Mas malaking pondo para sa produksyon ng bigas, irigasyon at suporta sa mga magsasaka upang mapanatiling matatag ang presyo ng pagkain, kalakip ang mga programang panlipunang proteksyon gaya ng 4Ps, pensyon ng senior citizens at Food STAMP Program.

• Ligtas at Matiwasay na mga Komunidad – Mas matibay na pondo para sa modernisasyon ng depensa, serbisyo ng pulisya at mga programa sa kahandaan sa sakuna upang maprotektahan ang mga pamilya laban sa mga banta, natural man o gawa ng tao.

• Trabaho at Kabuhayan – Pinalawak na programa para sa skills training, livelihood assistance at pagpapaunlad ng imprastruktura na magbubukas ng mas maraming oportunidad para sa matatag at disenteng hanapbuhay.

Binigyang-diin ni Speaker Romualdez na gagamitin ng Kamara ang kapangyarihan nito sa budget deliberations nang may ganap na transparency, accountability at kagyat na aksyon.

“Bawat piso, may malinaw na patutunguhan—sa edukasyon ng anak, sa kalusugan ng magulang, sa pagkain sa hapag, at sa kinabukasang matiwasay. Every project must be shovel-ready, corruption-free, and responsive to the needs of our people,” ayon sa pinuno ng Kamara.

Tiniyak din niya kay Pangulong Marcos at sa sambayanang Pilipino na kikilos ang Kamara upang maipasa sa tamang oras ang 2026 General Appropriations Act upang agad maramdaman ng mga pamilya ang benepisyo nito.

“This is not just the President’s budget—it is the people’s budget. And the measure of our success is simple: that every Filipino family feels the difference in their daily lives,” ayon pa kay Speaker Romualdez.