Suspek

21-anyos na kelot lagot dahil sa sex crimes

Jon-jon Reyes Sep 16, 2026
127 Views

NAHULI ng mga operatiba ng MPD Delpan Police Station ang 21-anyos na suspek sa kasong statutory rape at dalawang bilang ng sexual assault sa Delpan St., Brgy. 286, Binondo, Maynila noong Lunes.

Ang suspek ay nakilala sa alyas Ron, ayon kay Police Lieutenant Colonel Felimon Cacap, hepe ng MPD Delpan Police Station 12.

Bandang alas-12:30 ng tanghali nagsagawa ng manhunt at natunton ng mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section sa pamumuno ni PLt. Ferdinand Omli ang suspek.

Akusado ang suspek ng statutory rape at paglabag sa Section 10 (A) ng RA 7610.

Walang inirekomendang piyansa para sa statutory rape at may inirekomendang piyansa na P120,000 para sa dalawang bilang ng sexual assault,

Ang warrant of arrest ay inisyu ni Richie Macapagal, Presiding Judge, RTC Branch 5, Manila.

Bilang pagtalima sa kautusan ng Korte Suprema, gumamit ng cellphone bilang Alternative Record Device (ARD) sa paghuli sa suspek.

Ipinaalam ni PCpl. Dennis Dela Cruz sa suspek ang kanyang mga karapatang konstitusyonal na itinakda ng batas.

Ang suspek ay kabilang sa talaan bilang Top 1 Most Wanted Person.

Kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng MPD Station 12 ang suspek.