Taxi Source: Wanted sa Radyo

Taxi driver hinalay nakatulog na pasahero, pina-Tulfo

Edd Reyes Sep 16, 2026
162 Views

HINALAY umano ng driver sa loob ng kanyang ipinapasadang taxi ang 17-anyos na pasahero nang makatulog sa biyahe ang dalagita noong Sabado ng madaling araw sa Paranaque City.

Hindi kaagad nakapagsuplong sa pulisya ang biktima at sa halip ay nagpasiyang humingi ng tulong kay Senator Raffy Tulfo sa kanyang programang Wanted sa Radyo sa pag-asang mabigyang katarungan ang sinapit niya sa kamay ng suspek.

Sa pahayag ng biktima, galing siya sa isang kaganapan at pauwi matapos magpa-book sa isang electric taxi pasado alas-3 ng madaling araw kaya’t nagbilin siya sa driver na gisingin siya pagdating sa kanyang destinasyon.

Gayunman, nagising ang biktima nang maramdamang nakaparada na sila sa isang eskinita sa hindi na binanggit na lugar sa Paranaque City at naramdaman na lang niyang hinahalay na siya ng driver at wala na siyang saplot pang-ibaba.

Tumigil lamang sa panghahalay ang suspek nang sinabi niyang nasusuka siya kaya’t pinayagan siyang makalabas ng taxi na dahilan para siya makatakas.

Nakarating na sa pulisya ang pangyayari, pati na sa pamunuan ng taxi kaya’t gumagawa na ng hakbang ang kapulisan upang madakip ang suspek.