Sunog Source: Brgy. Balon-Bato Fire and Rescue Brigade

4 dedo sa sunog sa QC, overcharged scooter sanhi

194 Views

Sunog1Sunog2Sunog3

Sunog4
Source: Brgy. Balon-Bato Fire and Rescue Brigade

APAT ang namatay, kabilang ang dalawang senior citizen at isang menor de edad, matapos masunog ang apartment sa Brgy. Bahay Toro, Quezon City, noong Martes.

Ayon sa report, nag-ugat ang sunog sa nag-overcharge na electric scooter.

Batay sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD), sumiklab ang sunog sa Unit 1C ng Silverplace apartment sa Road 14, dakong alas-4:40 ng hapon.

Kabilang sa mga nasawi ang dalawang senior citizen na edad 64 at 61, isang 31-anyos na babae at isang 17-anyos na menor de edad.

Sugatan din ang 41-anyos na lalaki na nakatakas sa nasusunog na unit at isinugod sa East Avenue Medical Center.

Nakarinig umano ng malakas na pagsabog ang isang kapitbahay bago nakitang nilalamon na ng apoy ang apartment.

Tinangka pa niyang apulahin ang apoy gamit ang fire extinguisher, ngunit mabilis nang kumalat ang sunog.

Sinabi ng barangay captain na isa sa mga tinitingnang sanhi ng sunog ang nag-overcharge na electric scooter na nasa unang palapag ng gusali.

Naapula ang apoy dakong alas-5:05 ng hapon at natagpuan ng mga awtoridad ang mga bangkay sa ground floor ng apartment.