Lepto

“ZERO LEPTO” CAMPAIGN ITINUTULAK PARA SA MAS MATIBAY NA PROTEKSYON LABAN SA LEPTOSPIROSIS SA MALANDAY

Mar Rodriguez Sep 15, 2026
158 Views

ISINUSULONG ang mas pinaigting na kampanya laban sa leptospirosis sa Barangay Malanday, Marikina City, kabilang ang panukalang medical screening at professional assessment para sa mga residenteng nalalantad sa baha.

Sa ilalim ng panukala, maaaring sumailalim sa medical screening at pagsusuri ng mga health professional ang mga residenteng nakaranas ng exposure sa baha. Maaari ring magreseta ng angkop na gamot kung kinakailangan batay sa medikal na pagsusuri.

Sinabi ni Kagawad Joshua Bruce O. Fortuno na layunin ng programa na palakasin, suportahan at hindi palitan ang mga umiiral nang hakbang ng Marikina City Government laban sa leptospirosis.

“Matagal na pong nilalabanan ng Marikina City Government ang leptospirosis, mula pa sa panahon ni then Mayor and now Congressman Marcy Teodoro at ngayon sa pamumuno ni Mayor Maan Teodoro,” ayon kay Fortuno.

Nanawagan din si Fortuno ng mas malawak na pagtutulungan ng lokal na pamahalaan, mga barangay, healthcare professionals, pribadong institusyon at komunidad upang mapigilan ang pagkalat ng sakit.

Binigyang-diin din ni Fortuno na hindi dapat natatapos ang serbisyo publiko kasabay ng panahon ng halalan.

Matapos ang kanyang pagtakbo noong 2025 elections at hindi pagkakamit ng posisyong kanyang hinangad, sinabi niyang patuloy pa rin niyang isusulong ang mga gawaing pangkomunidad.

“Ang serbisyo po hindi natatapos pagkatapos ng eleksyon,” pahayag ni Fortuno.

Ayon sa kaniya, dapat manatiling handang tumulong sa mga residente anumang panahon at anuman ang kanilang kulay sa politika.

Itinutulak ngayon ng “Zero Lepto campaign” ang mas malawak na information drive sa Barangay Malanday, partikular sa mga pamilyang madalas makaranas ng pagbaha.

Pinapayuhan ang mga residente na iwasan ang hindi kinakailangang paglusong sa posibleng kontaminadong tubig, takpan nang maayos ang anumang sugat, agad na hugasan ang mga bahagi ng katawan na nalantad sa baha, bantayan ang posibleng sintomas at kumonsulta sa health professional kung kinakailangan.

Para kay Fortuno, pinakamahalaga pa rin ang pag-iwas at maagap na pagkilos upang maprotektahan ang komunidad.

“Hindi natin kailangang hintayin na may magkasakit bago tayo kumilos,” aniya.

Layunin ng kampanya na mailapit sa mga residente ang tamang impormasyon, serbisyong medikal at mga hakbang sa pag-iwas sa leptospirosis.