BBM4

Higit 2K taga-Las Pinas nakibahagi sa Serbisyong Para sa Lahat ni PBBM

Edd Reyes Sep 15, 2026
138 Views

BILANG bahagi ng pagdiriwang ng kaarawan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., iba’t ibang programa at serbisyo ng pambansang pamahalaan ang naihatid sa Lungsod ng Las Piñas sa ilalim ng “Handog ng Pangulo: Serbisyong Sapat Para sa Lahat”.

Mahigit 2,000 Las Piñeros ang nakibahagi sa programa, na pinangunahan nina MMDA Chairman Atty. Don Artes, Mayor April Aguilar, Vice Mayor Mel Aguilar, Congressman Mark Anthony Santos, at Barangay Pilar Captain Ronnie Fuentes. Kasabay ng selebrasyon sa Las Piñas ay isinagawa rin ang programa sa 94 na lokal na pamahalaan mula Luzon, Visayas, at Mindanao upang mas maraming Pilipino ang mapalapit sa mga serbisyong maaari nilang mapakinabangan.

Naging tampo sa Las Piñas ang iba’t ibang serbisyong pangkalusugan, kabuhayan at iba pang programa ng pambansang pamahalaan kabilang ang MMDA, DSWD, DA, DOH, Philhealth, DOJ, PNP, TESDA, OWWA at DTI habang nagbigay rin ng suporta ang DILG at DICT kaya’t mas naging maayos ang pagdaraos ng okasyon sa lungsod.

Ipinahatid naman ni Mayor April ang kanyang pasasalamat kay Pangulong Marcos Jr. para sa patuloy na paghahatid ng mga programa at serbisyo sa mga Pilipino, gayundin sa pagkakataong maging bahagi ng pagdiriwang ng kanyang kaarawan na nakatuon sa paglilingkod sa mamamayan.