Immigration

Biktima sana ng human trafficking nasagip, pinangakuan ng P50K sweldo kadda buwan sa Thailand

Jun I Legaspi Sep 16, 2026
123 Views

ISANG muntik nang mabiktima ng human trafficking ang nasagip sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 noong Sept. 12 ng magkasanib na operasyon ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) Task Force.

Ang operasyon ay isinagawa matapos makatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) na nakipag-ugnayan sa Bureau of Immigration (BI) Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES).

Ang pasahero, si alyas Inah, 35, ay na-recruit online sa pamamagitan ng social media para magtrabaho daw bilang phone operator sa casino malapit sa Myanmar-Thailand border.

May pangakong sahod na P50,000 kada buwan ang biktima at nakatakdang bumiyahe patungong Thailand bilang turista.

Ayon kay Inah, ang kanyang kontak na si Ms A ay nagpakilalang human resources employee ng naturang kumpanya.

Limang indibidwal, kabilang ang ilang tauhan ng BI, ang iniimbestigahan kaugnay ng insidente upang matukoy kung may paglabag o pagkakasangkot sa umano’y trafficking o illegal recruitment scheme.

Pinuri ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang koordinasyon ng mga kasapi ng IACAT Task Force sa pagkakasagip sa muntik ng mabiktima ng human trafficking at illegal recruitment.

Nagbabala rin ang Komisyoner sa mga naghahanap ng trabaho sa ibang bansa na mag-ingat at sundin ang mga itinakdang proseso ng pamahalaan.

Hinimok niya ang mga jobseeker na beripikahin muna ang mga oportunidad sa pamamagitan ng Department of Migrant Workers (DMW) at mga opisyal na online services bago tumanggap ng alok o maglakbay.